Biyernes, Nobyembre 3, 2017

Siraulo sinira ang ulo, patay

                “Ang mga siraulo, pinapatay! Pinapatay!”
                 Ito umano ang galit na galit na tinuran ng isang ‘di pa nakikilalang lalaki habang naglalakad palayo sa lugar kung saan niya pinagsasaksak at napatay ang isang 27-anyos na lalaki sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

                 Inaalam na ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng salarin na inilarawang kulot ang buhok, may taas na 5’2” hanggang 5’4”, nakasuot ng itim na guhitang t-shirt at itinuturong pumatay kay Marvin delos Reyes, 27, ng 15th Street, Port Area, Maynila.
                 
                  Sa imbestigasyon ni PO3 Ryan Jay Balagtas, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), naganap ang pananaksak sa tapat ng Billeza Trucking Parking area na matatagpuan sa Fracisco Magallanes St., Manila Harbour Center, Road 10, sa Tondo, dakong 10:00 ng gabi.

                  Sa salaysay ni Jay-R Grifiel, 31, nagpapahinga siya nang marinig ang pagmamakaawa ng biktima at sinasabing, “Ayoko pang mamatay! Ayoko pang mamatay!”

                  Sinilip umano ni Grifiel ang pinanggagalingan ng sigaw at nakasalubong niya ang salarin na hawak pa ang duguang patalim na ginamit sa krimen.

                  Tinanong pa umano ni Grifiel ang suspek ng, “Boss, ano nangyari?” na sinagot naman umano nito ng, “Ang mga siraulo, pinapatay! Pinapatay!”
Dito na umano natakot si Grifiel at kumaripas palayo sa suspek.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Lasing na natulog sa ilalim ng bus, patay!

                 Patay ang isang 30-anyos na lalaki, na sinasabing sa sobrang kalasingan ay nakatulog sa ilalim ng sasakyan, makaraan siyang magulungan ng umaatras na pampasaherong bus sa paradahan ng Central Transport Terminal sa Barangay D.S. Garcia sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

                Sa ulat ni Supt. Ponciano Zafra, hepe ng Cabanatuan City, kay Nueva Ecija Police Provincial Office OIC Senior Supt. Eliseo T. Tanding, nakilala ang biktimang si John Arcie Sarmiento, ng Cecilia Village Phase III.

                Naisugod pa sa MV Gallego City Hospital ang biktima, ngunit patay na nang idating doon dahil sa matinding pinsalang tinamo sa ulo.

                Nabatid na nakatulog si Sarmiento sa ilalim ng nakagaraheng bus (UVW-825) ng Pangasinan Solid North Transit, Inc., dakong 4:00 ng madaling-araw.

                Ayon sa pulisya, hindi napansin ng bus driver na si Michael Macam na natutulog si Sarmiento sa ilalim ng saskayan kaya nagulungan niya ito.